--Ads--

Patuloy ang monitoring ng mga opisyal sa Atok, Benguet dahil sa banta ng patuloy na pag-ulan na may kasamang malakas na hangin.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atok Mayor Franklin Smith, sinabi niyang may naitalang landslide noong Lunes ng gabi kung saan bahagyang natamaan ang isang sasakyan. Gayunman, maayos naman umano ang sasakyan at maaari pa itong umandar. Sa ngayon, maaari nang daanan ang bahagi ng kalsadang pinangyarihan ng landslide.

Isa sa mga itinuturing na delikadong bahagi ng Halsema Highway ang patuloy nilang binabantayan dahil saturated na ang lupa sa mga gilid ng bundok at anumang oras ay maaaring magkaroon ng panibagong pagguho ng lupa.

Kabilang sa mga lugar na mahigpit nilang mino-monitor ang KM 49, KM 54, KM 46, KM 26 at KM 24.

Ayon kay Mayor Smith, personal niyang ininspeksyon ang ilang bahagi ng kalsada at nakita niyang posible ang landslide anumang oras dahil saturated na ang lupa dulot ng patuloy na pag-ulan.

Dahil dito, nagpaalala ang alkalde sa publiko na mag-ingat sa pagbiyahe, lalo na sa mga lugar na madaling magkaroon ng landslide.

Nagpasalamat din siya sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa patuloy na pagmo-monitor sa kahabaan ng Halsema Highway.

Isa rin sa mga lugar na nabanggit ng alkalde na isolated ay ang Sitio Buneng. Ayon sa kanya, ang kalsadang patungo rito ay kailangang dumaan sa provincial road sa bahagi ng Mankayan kung saan may malaking washout.

Gayunman, maaari pa ring makapasok sa lugar sa pamamagitan ng isang sitio sa Atok at may rerouting patungong Madaymen, Kibungan. Patuloy umano itong mino-monitor ng mga awtoridad at nabigyan na rin ng relief packs ang mga apektadong residente.

Ayon kay Mayor Smith, may ilang pamilya pa ring nananatili sa evacuation centers habang ang iba naman ay pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak.