Sapilitang pinasok umano ng mga pinaghihinalaang miyembro ng isang paksyon ng CPLA, na kinabibilangan ng isang high-profile na personalidad mula sa nasabing grupo, ang isang pribadong ari-arian na may sukat na mahigit 500 metro kuwadrado sa Purok 2, Kilometer 3, Asin Road, Baguio City, kahapon, Oktubre 20, bandang alas-otso ng umaga, sa kabila ng pagkakakandado ng gate nito.
May tatlong bahay na nakatayo sa nasabing ari-arian.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Benedict Valenciano, caretaker at bayaw ng may-ari ng ari-arian, sinabi niyang palabas sana siya nang mga oras na iyon. Gayunman, nang buksan niya ang gate, bigla umanong dumating ang grupo ng mga lalaki at pumasok sa loob ng compound.
Nagpakilala umanong paksyon ng CPLA mula sa Kalinga ang nasabing grupo, bagama’t hindi lahat ng indibidwal na nagtungo sa lugar ay nagmula sa lalawigang ito.
Iginiit naman ni Valenciano na may karapatan silang angkinin ang nasabing ari-arian dahil sa mga dokumentong nagpapatunay sa pagmamay-ari nito.
Ayon sa kanya, binili ang lote ng ama at stepmother ni Kale Muel- Bane* . Aniya, mayroon silang mga dokumentong nagpapatunay sa bentahan, kabilang ang deed of sale at mga resibo ng pagbabayad ng buwis sa ari-arian.
Ibinahagi rin ng caretaker na nang ikasal si Kale, ipinagkaloob sa kanya at sa kanyang asawa bilang regalo ang nasabing ari-arian.
Inatasan umano ni Kale ang isa nilang tiyahin na asikasuhin ang mga dokumentong kinakailangan upang mailipat sa pangalan niya at ng kanyang asawa ang titulo ng lote. Gayunman, dahil hindi ito agad naasikaso, ang kanyang step-aunt ang siyang nagpatuloy sa pag-aasikaso ng mga dokumento.
Subalit noong 2023, natuklasan nilang ibang pangalan ang nakatala sa paglilipat ng pagmamay-ari ng lote.
Ayon kay Valenciano, noong unang bahagi ng 2007 nang maitayo ang unang bahay sa lugar. Noong 2014 naman itinayo ang ikatlong bahay na tinirhan ng kanilang mga kamag-anak.
Matapos pumanaw ang ama ng mag-asawa, nanirahan na sila sa magkakahiwalay na bahay, habang si Valenciano naman ang itinalagang caretaker ng ari-arian mula pa noong 2014.
Ipinaliwanag ni Valenciano na sa loob ng maraming taon ay walang naganap na kaguluhan sa lugar hanggang noong 2023, nang magsampa sila ng kasong grave coercion laban kay Anni Pal**l, ang step-aunt.
Gayunman, ibinasura ang nasabing kaso noong Hulyo 18, 2025, matapos mabigong mapatunayan ng prosekusyon ang lahat ng elemento ng kasong grave coercion.
Ngunit kahapon, Oktubre 20, sapilitan umanong pinasok ng mga pinaghihinalaang miyembro ng CPLA ang nasabing bahay at lote. Namataan din umano sa lugar si Pal***l.
Agad namang tumawag sa 911 si Valenciano upang humingi ng tulong. Rumesponde ang mga tauhan ng BCPO Station 9 at BCPO City Mobile Force Company (CMFC), na siyang umawat at kumausap sa mga sangkot na partido upang mapayapa ang sitwasyon at maiwasan ang anumang kaguluhan.
Samantala, hindi maiwasan ng caretaker ang mag-alala dahil tinatayang 16 hanggang 20 indibidwal ang umookupa sa dalawa sa mga bahay at sa unang palapag ng gusaling kanyang tinitirhan.
Ayon kay Valenciano, bagama’t wala pang nagaganap na kaguluhan, itinuturing pa rin nilang banta ang presensya ng grupo. Aniya, karaniwan na rin umanong may dala silang mga baril.
Umapela rin si Valenciano sa mga kinauukulang opisyal, lalo na sa mga nasa matataas na posisyon, na sana ay matulungan sila sa kanilang sitwasyon, lalo’t nadadamay na umano ang pangalan ng CPLA sa usapin.
Ayon sa kanya, hindi lamang ito ang pagkakataong nasasangkot ang CPLA sa ganitong uri ng alitan, dahil mayroon pa umano silang ibang nabibiktima ng mga kahalintulad na insidente.











