Naka-full alert status ngayon ang Philippine National Police (PNP), kabilang ang Baguio City Police Office (BCPO), bilang bahagi ng paghahanda sa idaraos na ASEAN Summit.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Marcy Marron, spokesperson ng BCPO, sinabi nitong kanselado muna ang day off at leave ng lahat ng mga pulis upang matiyak ang sapat na personnel deployment sa panahon ng summit.
Aniya, kabilang sa mga lugar na tututukan ng mas pinaigting na police deployment ang mga tourist spots dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga turista sa lungsod mula sa iba’t ibang lugar.
Samantala, nakipag-ugnayan na rin umano ang BCPO sa mga bus company upang matutukan ang sitwasyon sa mga terminal. Sakaling magkaroon ng kakulangan sa mga pampublikong sasakyan, magbibigay umano sila ng libreng sakay sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Local Government Unit (LGU).
Nakipag-coordinate na rin umano sila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang, kung maaari, ay pansamantalang ipatigil ang mga road works upang makatulong sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko at maiwasan ang pagsisikip ng mga kalsada.
Sa ngayon, manageable pa umano ang sitwasyon sa lungsod.











