--Ads--

Pinarangalan ang apat na barista mula sa Baguio City at lalawigan ng Benguet matapos magwagi sa isang national coffee competition na ginanap sa Thailand.

Ayon kay Felucitas Bandonil, Provincial Director ng Department of Trade and Industry–Benguet (DTI-Benguet), matagumpay na naglaban-laban ang apat na barista laban sa iba pang kalahok mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sinabi ni Bandonil na patuloy na lumalago ang industriya ng kape sa Baguio City at Benguet, dahilan upang pagtuunan ito ng pansin ng lokal na pamahalaan. Aniya, kasalukuyan nang binabalangkas ang isang ordinansa na layong palakasin at suportahan ang coffee industry sa rehiyon.

Gayunpaman, inamin din ni Bandonil na may mga kakulangan pa rin sa produksyon at merkado ng kape sa lalawigan. Sa kabila nito, nakikita aniya ang malaking potensyal sa market reach, lalo na para sa Arabica coffee na pangunahing produkto ng Benguet.

Samantala, kinilala ang munisipalidad ng Atok bilang number one sa industriya ng kape sa lalawigan ng Benguet.

Tiniyak naman ng DTI-Benguet na patuloy nilang ginagawa ang lahat ng hakbang upang mapalawak ang pamilihan ng kape at higit na matulungan ang mga lokal na coffee growers at barista.