--Ads--

BAGUIO CITY – Talamak ngayon ang mga sasakyan mula sa ibat-ibang lugar sa bansa na iligal na ibinebenta sa lungsod ng Baguio.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Executive Master Sergeant Constancio Balilis Jr. ng Regional Highway Patrol Unit – Cordillera, rerentahan ng isang indibidual ang sasakyan pero kalaunan ay hindi na niya ito ibabalik sa may-ari.

Ayon kay Balilis, isa itong modus ng vehicle scam kung saan gumagawa ang mga suspek ng mga pekeng dokumento ng nirentahan nilang sasakyan para maibenta ito sa kanilang target market kagaya na lamang sa lungsod ng Baguio.

Binanggit ng nasabing opisyal na aabot na sampung yunit ng mga sasakyan ang na-impound sa lungsod kung saan nagmula ang mga ito sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Sinabi pa Police Executive Master Sergeant Balilis, natutuklasan nila ang mga iligal na ibinebentang sasakyan kapag bineberipika nila ang mga dokumento ng mga may-ari na naaresto dahil sa iba pang mga paglabag.

Gayunpaman, nagbabala si Balilis sa publiko lalong-lalo na sa mga nagbabalak bumili ng second hand o pre-owned na sasakyan na iberipika muna nila ang mga kinakailangang dokumento bago bilhin, gayundin ang mga nagpaparenta.