Naka-three-layered security system na ang Baguio City Police Office (BCPO) para sa isasagawang Grand Colorful Parade bilang bahagi ng Spring Festival Celebrations 2026 sa lungsod ng Baguio.
Ito ay matapos makumpirma na dadalo si Chinese Ambassador to the Philippines na si Jing Quan.
Ayon kay Marcy Grace Marron, Public Information Officer ng Baguio City Police Office, aabot sa 1,582 personnel ang ide-deploy para sa naturang aktibidad. Kabilang dito ang mga miyembro ng Philippine National Police, interns, personnel mula sa regional headquarters at national support unit, volunteers, at traffic aides.
Inaasahang aabot sa 20,000 ang manonood sa parada, lalo na’t idineklara ang walang pasok sa lungsod ng Baguio sa araw ng selebrasyon.
Tiniyak naman ng opisyal na may mga naka-preposition na pulis sa mga pangunahing kalsada sakaling magkaroon ng insidente, kabilang na ang posibleng pagtitipon ng mga tao kapag may magtatapon ng kendi.
Binigyang-diin din ng opisyal na prayoridad ang seguridad at kaligtasan ng lahat upang masiguro na magiging maayos at ligtas ang pagdaraos ng parada.
Aniya, alas-dose pa lamang ng tanghali ay nakapuwesto na sila sa mga kalsada bago magsimula ang opisyal na parada alas-dos trenta ng hapon ngayong araw.
Samantala, pinaalalahanan ng BCPO ang publiko, lalo na ang mga manonood, na maging mapagmatyag, bantayang mabuti ang kanilang mga gamit, alalayan ang mga bata, mag-ingat sa matataong lugar, at agad na makipag-ugnayan sa pulisya kung may mapansing kahina-hinalang kilos o pangyayari. | via Bombo Noveh Organo










