
Kinumpirma ni Glenn Dumlao, direktor ng Department of Transportation Cordillera, na napagkasunduan ang panukalang special fare rate na P20 bilang regular na pamasahe.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Dumlao na napagkasunduan ang usapin sa isang pampublikong konsultasyon kahapon na dinaluhan ng iba’t ibang transport group at mga kinauukulang ahensya.
Isinagawa ang naturang pagpupulong matapos libutin ng mga opisyal ang iba’t ibang lugar kung saan namataan ang mahahabang pila ng mga pasahero. Nagsagawa rin sila ng konsultasyon sa mga driver at operator upang alamin ang kanilang mga hinaing.
Bagama’t kinikilala ng DOTr Cordillera ang mga pagsisikap ng pamahalaan, tulad ng pagbibigay ng subsidiya, sinabi ni Dumlao na patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Dahil dito, iginiit niyang kulang ang kinikita ng mga driver at may umiiral na “imbalance” sa sektor.
Ipinabatid din ng opisyal na maraming barangay ang nagsagawa ng sariling inisyatiba upang matiyak ang tuloy-tuloy na biyahe at hindi maabala ang mga commuter.
Dagdag pa niya, may ilang indibidwal ang nagsumite ng liham sa kanyang tanggapan na nagsasabing handa silang magbayad ng mas mataas na pamasahe, makasakay lamang.
Ayon kay Dumlao, sang-ayon siya sa panukalang P20 special fare rate. Gayunman, bilang opisyal ng gobyerno, kailangan pa rin umano niyang humingi ng gabay mula sa pambansang pamahalaan.
Sa kabila nito, nilinaw ng opisyal na dapat pa ring kumilos ang kanilang tanggapan sakaling may maghain ng reklamo. Aniya, hindi sapilitan ang nasabing pamasahe at mananatiling boluntaryo ang pagpapatupad nito.










