--Ads--

Tumaas ang bilang ng mga kabataang gumagamit ng electronic cigarettes o vape sa lungsod ng Baguio.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni City Health Services Office Department Head Dr. Celia Flor Brillantes na naaakit ang ilang kabataan na subukan ang vape dahil sa paniniwalang ito ay “mas maganda” o mas ligtas kaysa sa sigarilyo. Gayunman, binigyang-diin niya na naglalaman pa rin ito ng mga mapanganib na kemikal na maaaring makasama sa kalusugan.

Kaugnay nito, nasa P5 milyong halaga ng mga produktong tabako at vape ang winasak ng mga awtoridad sa Baguio City.

Ayon kay Dr. Brillantes, tinatayang 40% ng mga paglabag ay nagmula sa mga turistang bumisita sa lungsod. Ang mga nasabing produkto ay kinumpiska mula Agosto 2024 hanggang Pebrero 13, 2025.

Karamihan sa mga nakumpiskang produktong tabako at vape ay nasamsam sa mga pampublikong lugar, habang ang ilan ay nakumpiska rin sa loob ng mga paaralan.

Dagdag pa ni Brillantes, mas mababa ang halaga ng mga produktong winasak ngayong taon kumpara sa nakaraang ceremonial destruction na umabot sa P8 milyon. Aniya, patunay ito na seryoso ang lungsod sa mahigpit na pagpapatupad ng kanilang smoke-free ordinance.

Matapos sirain, dinala ang mga nakumpiskang sigarilyo sa transfer station sa Marcos Highway. Samantala, ipinasa ang mga vape sa kinauukulang tanggapan para sa karagdagang pagproseso at wastong disposisyon.

Nagpasalamat naman si Brillantes sa patuloy na aktibong pagpapatupad ng adbokasiya at mga ordinansa ng Smoke-Free Task Force laban sa paninigarilyo at vaping sa lungsod. | via Bombo Noveh Organo