Isinusulong ni Councilor Leandro Yangot Jr. ang isang panukalang ordinansa na naglalayong ipatupad ang “zero-fee policy” sa lahat ng pampublikong paaralan sa Baguio City, mula elementarya hanggang senior high school.
Layunin ng panukala na tiyakin na walang estudyante ang sisingilin ng anumang mandatoryong bayarin upang maprotektahan ang karapatan sa libreng edukasyon, maiwasan ang hadlang pinansyal sa pagpasok at pagdalo sa klase, at maisulong ang pantay na oportunidad sa pagkatuto para sa lahat.
Saklaw ng ordinansa ang lahat ng pampublikong elementarya, junior high, at senior high school sa lungsod. Ipinagbabawal nito ang paniningil ng anumang sapilitang bayarin gaya ng enrollment o registration fees, miscellaneous fees, bayad sa mga proyekto o school activities, at iba pang singilin na kinakailangan bago makapasok o makapagtapos ang isang mag-aaral.
Nilinaw rin sa panukala na walang estudyante ang maaaring tanggihan ng access sa edukasyon dahil lamang sa kawalan ng kakayahang magbayad.
Pinapayagan pa rin ang boluntaryong donasyon, ngunit sa ilalim ng mahigpit na kondisyon—dapat itong kusang-loob, walang pamimilit o presyur, at walang diskriminasyon o anumang uri ng pagtrato laban sa mga hindi makapag-aambag.
Inaatasan ang mga school administrator at guro na tiyakin ang mahigpit na pagsunod sa ordinansa, kabilang ang pagbibigay-kaalaman sa mga magulang at estudyante na libre ang edukasyon sa pampublikong paaralan, at ang pagtiyak na walang mapapahiya o madidiskrimina dahil sa hindi pagbibigay ng donasyon.
Ang City Government, katuwang ang Department of Education (DepEd) Schools Division Office–Baguio, ang mangangasiwa sa pagbabantay ng pagpapatupad ng panukala. Magtatatag din ng complaint mechanism sa pamamagitan ng City Mayor’s Office upang tugunan ang mga paglabag.
Ang mga mapapatunayang lalabag na school officials o kawani ay sasailalim sa kaukulang administrative sanctions alinsunod sa Civil Service rules, DepEd regulations, at iba pang umiiral na batas.
Inaprubahan na sa first reading ng Baguio City Council ang panukalang ordinansa at kasalukuyang nirefer sa Committee on Education, Creativity, ICT, and Non-IP, Culture, and Historical Research para sa masusing pag-aaral.





