NOVEMBER 20, 2023 PISTON national president Mody Floranda interviewed along Monumento Circle, Caloocan City at the start of the three-day transport strike led by Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide today. INQUIRER PHOTO/LYN RILLON
--Ads--

Patuloy na nananawagan ang transport group na PISTON na tiyakin na ang mga pampublikong sasakyan, partikular ang mga tradisyunal na jeepney, ay maisama sa isang makatarungan at inklusibong modernisasyon na magpapahintulot sa kanila na makapag-renew ng prangkisa at makapagparehistro nang legal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Mody Floranda, National President ng PISTON, ang kakulangan ng sapat na pampublikong transportasyon sa bansa ay nagdudulot ng siksikang biyahe, na naglalagay sa panganib sa kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero.

Bagama’t patuloy na isinusulong ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), iginiit ng PISTON na hindi maikakaila ang mga suliraning kaakibat ng naturang programa. Binanggit din ng grupo na maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nagpahayag na hindi pa ito ang angkop na panahon para sa modernisasyon ng mga tradisyunal na jeepney na nagsisilbing pangunahing transportasyon ng nakararaming Pilipino.

Ayon kay Floranda, bago pa man ang COVID-19 pandemic ay tinatayang mahigit 300,000 ang bilang ng mga jeepney sa bansa. Subalit batay sa datos ng LTFRB, bumaba ito sa 128,870 sa kasalukuyan—patunay umano ng patuloy na pagkawala ng hanapbuhay ng maraming tsuper at operator.

Binanggit din ni Floranda na naglaan ang pamahalaan ng humigit-kumulang ₱36 bilyon na pondo para sa malalaking korporasyon tulad ng Toyota at Mitsubishi, habang nananatiling kulang ang suporta para sa mga local body builders at maliliit na operator na nangangailangan ng tulong upang makasabay sa modernisasyon.

Ayon pa sa kanya, malaking tulong kung mabibigyan ng sapat na pondo ang mga operator upang mabawasan ang kanilang pangamba at maisaayos ang kanilang mga sasakyan nang hindi isinasakripisyo ang kanilang kabuhayan.

Dagdag pa ng pangulo ng grupo, matinding hirap ang nararanasan ng mga commuters, lalo na ang mga ordinaryong manggagawa. Marami aniya ang nahuhuli sa trabaho at dumaranas ng iba’t ibang suliranin dulot ng kakulangan ng pampublikong sasakyan.

Dahil dito, iginiit ni Floranda na malinaw na may pagkukulang ang programa sapagkat sa halip na magsilbing tulay sa kaunlaran, nagiging sanhi pa ito ng pagkawala ng kabuhayan ng maraming tsuper at operator. Para sa kanya, nararapat na magsilbi ang mga polisiya ng gobyerno para sa kapakanan ng lahat, tiyakin ang maayos at sapat na pampublikong transportasyon, at maiwasan ang overloading sa mga pampublikong sasakyan. | via Intern Althea Lopez