--Ads--

Inihayag ng Department of Health (DOH) na mas malaking banta sa ngayon ang tuberculosis (TB) kaysa sa paglitaw ng mga bagong COVID-19 variants.

Ayon kay DOH spokesperson Usec. Albert Domingo, mabilis kumalat ang TB dahil airborne ito at maaaring makaapekto sa lahat, mayaman man o mahirap. Aniya, may gamot ang TB at epektibo ito, ngunit hamon ang mahabang gamutan na umaabot ng 4 hanggang 9 na buwan.

Kasunod ito ng pakikipag-partner ng DOH sa U.S. Department of State para palakasin ang detection at treatment ng TB, kabilang ang pagbibigay ng gamot para sa 230,000 pasyente at 12 ultraportable X-ray machines.

Dagdag pa ni Domingo, susundin ng DOH ang disease burden sa pamamahagi ng resources, lalo na sa mga lugar na may mataas na kaso at populasyon.

Naitala na ang mahigit 100,000 kaso ng TB sa Metro Manila hanggang Pebrero 2026, kaya patuloy ang panawagan ng DOH para sa maagang screening upang maiwasan ang pagkalat nito.