Nasa apatnapu’t pitong (47) gramo ng hinihinalang crystalline substance o shabu, na may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na ₱319,600, ang nasabat mula sa tatlong suspek sa isang drug buy-bust operation na isinagawa kagabi sa Balili, La Trinidad, Benguet.
Ang mga nasamsam na ilegal na droga ay kinabibilangan ng isang (1) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 5 gramo, na may SDP na ₱34,000.
Bukod dito, anim (6) na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 30 gramo at SDP na ₱204,000 ang nakuha mula sa isa sa mga suspek na kinilalang si alyas “Manay,” 74-anyos, street-level individual, laborer, at residente ng Pangasinan. Siya ay nauna nang naaresto dahil sa paglabag sa Republic Act 6425.
Narekober din mula sa isang 24-anyos na lalaki, vegetable packer, residente ng La Trinidad, at itinuturing ding street-level individual, ang limang (5) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang 7 gramo, na may SDP na ₱47,600.
Samantala, nakuha naman mula sa isang 23-anyos na lalaki, estudyante at residente ng Abra, na kinilalang street-level individual (SLI), ang isang (1) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 5 gramo, na may SDP na ₱34,000.
Bukod sa mga ilegal na droga, nasamsam din sa mga suspek ang ilang non-drug evidence tulad ng cellphone, pouch, flashlight, mga identification card, sling bag, lighter, iba’t ibang denomination ng pera kabilang ang boodle money, charger, at belt bag.
Ang tatlong suspek ay matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Special Operations Unit – Cordillera Administrative Region (SOU-CAR) ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency – CAR (PDEA-CAR), Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU), at Regional Intelligence Unit (RIU).
Ang mga suspek ay itinurn-over sa La Trinidad Municipal Police Station (LTMPS) para sa pansamantalang kustodiya. Samantala, ang mga nasamsam na drug evidence ay isusumite sa Regional Forensic Unit – CAR para sa qualitative at quantitative examination, habang ang mga non-drug evidence ay nananatili sa kustodiya ng PNP-DEG SOU-CAR para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. | EXCLUSIVE via Bombo Noveh Organo











