--Ads--

Binabantayan ngayon ng National Irrigation Administration–Cordillera (NIA-CAR) ang mga pangunahing ilog na nagsisilbing pinagkukunan ng tubig para sa irigasyon sa rehiyon. Kabilang dito ang Chico River na dumadaloy mula Mountain Province patungong Kalinga at umaabot hanggang Isabela; ang Abulug River sa Apayao; at ang Ibulao River sa Ifugao.

Ginagawa ito bilang paghahanda sa nalalapit na panahon ng tagtuyot. Karaniwang itinuturing ang Abril bilang kasagsagan ng tagtuyot, kung kailan maaaring bumaba o matuyo ang tubig sa mga ilog at iba pang pinagkukunan ng irigasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Liza Jane Chakilis, chief ng Operations and Maintenance Division ng NIA-CAR, bumaba na ng humigit-kumulang 50 porsiyento ang daloy ng tubig sa Chico River. Ang ilog na ito ang nagsusuplay ng tubig sa mga communal irrigation system sa Pinukpuk at Tabuk City sa Kalinga, pati na rin sa ilang bahagi ng Quezon, Isabela.

Samantala, sapat pa ang daloy ng tubig sa Abulug River, habang unti-unti namang bumababa ang lebel ng tubig sa Ibulao River.

Kaugnay nito, nagpaalala ang NIA-CAR sa mga magsasaka na sundin ang itinakdang crop programming o iskedyul ng pagtatanim upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot.

Ayon kay Chakilis, mahalagang planuhin kung kailan at ano ang itatanim sa panahon ng tag-init upang hindi gaanong maramdaman ang kakulangan ng tubig para sa irigasyon.

Ipinaliwanag niya na ang mahigpit na pagsunod sa iskedyul ng pagtatanim, lalo na sa palay na nangangailangan ng maraming tubig, ay mahalaga dahil ang kakulangan sa tubig ay maaaring makaapekto sa paglaki ng halaman at sa pagbuo ng butil.

Sa kasalukuyan, nasa vegetative at reproductive stage na ang mga tanim na palay, kaya inaasahang maaaani ang mga ito pagsapit ng Abril.

Matapos ang anihan sa Abril o Mayo, muling magsisimula ang pagtatanim sa Hunyo, kapag sapat na muli ang suplay ng tubig mula sa mga ilog at iba pang pinagkukunan.

Binigyang-diin din ni Chakilis ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga magsasaka. Aniya, kahit limitado ang suplay ng tubig sa panahon ng tagtuyot, maaari pa rin itong maging sapat kung susundin ang cropping calendar at magpapaalalahanan ang bawat isa.

Dagdag pa niya, mahalaga rin ang pangangalaga sa watershed, dahil nakatutulong ito sa pagpapanatili ng sapat na likas na yaman, kabilang ang suplay ng tubig para sa agrikultura.