--Ads--

Isinusulong ni Councilor Vladimir Cayabas ang pagtatatag ng isang Local Education Office (LEDO) na layong paigtingin ang mga programa sa edukasyon, isulong ang lifelong learning, at tiyakin ang pantay na access sa kalidad na edukasyon sa lungsod.

Ayon sa panukala, ang LEDO ay mamumuno sa koordinasyon ng pampubliko at pribadong institusyon, pamamahala sa scholarships at student welfare programs, pagsasagawa ng pananaliksik sa edukasyon, at pagtataguyod sa Baguio bilang modelo ng learning city sa rehiyon.

Pinaplano itong pamahalaan ng isang Local Chief Education Officer na susuportahan ng tatlong kawani, na itatalaga ng Mayor. Saklaw ng tungkulin ng LEDO ang pagbuo at pagpapatupad ng Local Education Vision, pagtulong sa DepEd, CHED, at TESDA, pagsusuri ng educational outcomes, at pangangasiwa sa scholarships at citywide education events tulad ng Education Summit at Baguio Students’ Day.

Inaprubahan na ang panukala sa first reading ng Baguio City Council at kasalukuyang nirefer sa Committee on Ethics, Governmental Affairs, and Personnel para sa masusing pag-aaral.