--Ads--

Natagpuan ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang babae sa Sitio Macopa, Barangay Tubungan, Calanasan, Apayao, na agad na nirespondehan ng mga awtoridad noong Abril 19, 2026.

Sa pangunguna ng pulisya, kasama ang Municipal Health Office (MHO), Bureau of Fire Protection (BFP), at Provincial Forensic Unit (PFU), isinagawa ang imbestigasyon sa pinangyarihan ng insidente. Kinumpirma ng Municipal Health Officer na babae ang biktima, habang patuloy ang pagsusuri ng PFU upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay.

Dinala ang bangkay sa Far North Luzon General Hospital and Training Center sa Luna, Apayao para sa karagdagang pagsusuri at wastong disposisyon.

Mariing kinondena ng Apayao Police Provincial Office ang insidente at tiniyak na paiigtingin ang imbestigasyon upang matukoy at mahuli ang mga responsable.

Sa ngayon, nakatuon ang mga awtoridad sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng biktima. Kaya naman, nananawagan sila sa publiko na makipagtulungan—lalo na kung may naiulat na nawawalang babae o may impormasyong makatutulong sa kaso.

Pinapaalalahanan din ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon upang hindi maapektuhan ang takbo ng imbestigasyon.