Inilipat ng Sandiganbayan Third Division ang kustodiya kay Sen. Rodante Marcoleta sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas matapos sabihin ng UP-Philippine General Hospital (UP-PGH) na hindi na niya kailangan ng confinement.
Ayon kay UP-PGH director Dr. Gerardo Legaspi, gumaling na ang pneumonia ni Marcoleta, kontrolado ang kanyang hypertension, at wala siyang nakitang kondisyon na nangangailangan ng ospital. Sinabi rin niyang wala umanong ebidensya ng paglaki ng puso ang senador, taliwas sa naunang findings ng PNP General Hospital.
Pinayagan ng korte ang paglilipat matapos maglabas ng commitment order. Gayunman, sinabi ni Associate Justice Karl Miranda na muling susuriin ng korte ang kondisyon ng kulungan matapos kuwestiyunin ng kampo ni Marcoleta ang pasilidad.
Samantala, sinabi ng PNP-CIDG na susundin nito ang utos ng korte at ililipat si Marcoleta sa Payatas jail kung saan kailangan muna siyang ihiwalay habang nagpapagaling mula sa pneumonia.
Nahaharap si Marcoleta sa kasong plunder dahil sa umano’y hindi pagdeklara ng P75 milyon na campaign donations, gayundin sa paglabag sa Presidential Decree No. 46 kaugnay ng pagtanggap umano ng regalo ng isang pampublikong opisyal.











