Inamin ng estudyante ng Pinget National High School na biktima ng bullying na naapektuhan ang kanyang mental health matapos ang pambubully. Nahihiya rin umano siyang lumabas dahil natatakot siyang muli siyang sugurin at tawagin ng kung anu-anong pangalan.
“Dahil po doon sa nangyari, naapektuhan din po ang sarili namin, yung mental health namin. Pagkatapos po nun, lalo na po pagkatapos, siyempre po mahihiya kaming lumabas dahil baka maano kami, masugod o matawag-tawag ng kung ano-anong pangalan.”
Sa panayam ng media sa kanya noong hapon ng Agosto 31, 2026, sinabi niyang nananatili pa rin ang trauma na dulot ng insidente. Aniya, pumapasok sa kanyang isipan ang mga posibilidad na maaaring nangyari, kabilang na ang paano kung napatay siya ng mga bumugbog sa kanya at kung paano naapektuhan ng insidente ang kanyang pamilyang nag-aalala sa kanyang kalagayan.
“Paano kung n*p*tay nila ako? Paano po yung pamilya kong mag-aalala sa akin?”
Nang tanungin kung dati na ba siyang binubully ng mga respondent, sinabi niyang “hindi po.” Itinanggi rin niyang kilala niya ang grupong nambugbog sa kanya at sinabi niyang napagtripan lamang umano siya.
Aniya, bigla na lamang siyang binugbog.
“Biglang bugbog na lang po. Tinakpan ko lang po ang mga vital para hindi ma-damage.”
Ayon sa biktima, nakaranas na rin umano siya ng bullying mula pa noong elementarya.
Ang pangyayari sa labas ng paaralan ay hindi umano niya ito isinumbong sa kanyang mga magulang. Nalaman lamang ng kanyang pamilya ang insidente nang sabihin ito ng kanyang tiyahin, na ina ng kanyang girlfriend.
Nang tanungin kung ano ang pumasok sa kanyang isip habang siya ay binubugbog, sinabi niya:
“Paano kung m*m*tay ako doon? Eh di kung saan na lang siguro ako tinago kasi open area po doon at walang masyadong tao.”
Nagbigay rin siya ng mensahe sa mga bumugbog sa kanya. Aniya, kung nais ng mga ito na humingi ng tawad at mapatawad, dapat silang humarap sa kanya at sila mismo ang humingi ng tawad upang maibigay rin niya ang kanyang opinyon tungkol sa kanilang ginawa.nyang opinyon tungkol sa kanilang ginawa.










