Nais ng Kabataan Partylist Cordillera na matuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE sa Nobyembre 2, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Gabriel Siscar, spokesperson ng Kabataan Partylist Cordillera, sinabi niyang mandato ng Kongreso at Senado na ipagpatuloy ang halalan.
Ayon kay Siscar, makikita sa aktuwal na sitwasyon sa mga barangay ang pangangailangan sa halalan, lalo na sa Sangguniang Kabataan o SK, kung saan may mga opisyal na overage na at limitado ang suporta sa kanilang mga programa.
Halimbawa umano nito ang Baguio City, kung saan tinatayang 17 barangay ang walang SK chairman. Kapag hindi isinagawa ang halalan, mananatiling bakante ang mga posisyong ito.
Iginiit ni Siscar na dapat matuloy ang BSKE upang magkaroon ng lehitimong mga kinatawan ang mga barangay at kabataan.
Samantala, sinabi niyang nakikita nila ang posibilidad na maantala ang halalan dahil ayaw umano ng ilang opisyal na mapalitan ang mga taong loyal sa kanila, na maaaring magbago sa balanse ng kapangyarihan sa mga barangay.
Naniniwala rin si Siscar na kailangang mapalitan ang mga kasalukuyang opisyal upang magkaroon ng pagbabago sa pamamahala sa lokal na antas.











