--Ads--

ALL SYSTEMS GO PA RIN ang COMELEC-Tabuk City sa kabila ng hindi pa pinal na pagpirma sa panukalang batas na magpapalawig sa termino ng mga barangay officials.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Reyman Solbita, Election Officer ng COMELEC-Tabuk City, sinabi niyang nakahanda ang kanilang tanggapan para sa filing ng Certificate of Candidacy o COC ng mga nais tumakbo sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections o BSKE, na nakatakda mula Setyembre 8 hanggang Oktubre 5.

Aniya, mayroon nang ilang indibidwal na nagtungo sa kanilang tanggapan upang kumuha ng COC at mag-inquire tungkol sa proseso ng paghahain nito.

Iginiit ni Solbita na magpapatuloy ang paghahanda ng COMELEC at ang pagtanggap ng COC hangga’t wala pang pinal na aksyon sa panukalang batas o hindi pa ito napipirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Payo rin niya sa mga nais tumakbo na ituloy ang paghahain ng COC dahil minimal lamang umano ang gastusin, kabilang ang pagpapanotaryo at pagsusumite ng passport-size na larawan at iba pang kinakailangang dokumento.

Sakali namang mapirmahan ang panukalang batas at ipagpaliban ang BSKE, sinabi ni Solbita na madi-disregard lamang ang naihain nang COC.

Ibinahagi rin ni Solbita na mas marami umano sa Tabuk City ang nais na matuloy ang BSKE ngayong taon dahil sa clamor ng mga residente at mga usapin sa performance ng ilang barangay officials.

Gayunman, mayroon ding mga nais na maipagpaliban ang halalan, partikular ang ilang incumbent barangay officials, dahil nais umano nilang makumpleto ang tatlong taong termino.

Samantala, batay sa datos ng COMELEC, nasa humigit-kumulang 75,000 ang registered voters sa Tabuk City—mas mataas kumpara sa dating bilang ng mga botante.

Ayon kay Solbita, magandang resulta ito ng kanilang patuloy na voter registration activities sa iba’t ibang barangay.

Ibinahagi rin niya na may ilang tradisyon at kultura sa lugar na isinasagawa bago ang filing ng COC, kabilang na ang pagkakatay ng hayop.

Muli namang pinaalalahanan ni Solbita ang mga nais tumakbo na sundin ang itinakdang schedule at requirements para sa paghahain ng COC.