Malaki ang naging epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa mga driver at operator ng jeepney sa Baguio City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Anert Bangsael, jeepney operator at driver sa rutang Irisan Barangay, sinabi niyang nahihirapan na sila dahil sa mataas na presyo ng diesel, habang patuloy din ang kanilang pagbabayad ng amortization sa LandBank para sa modernized jeepney na kanilang pinapasada.
Aniya, kahit nasa P80 kada litro ang presyo ng diesel ay hirap na silang kumita, kaya mas mabigat ang kanilang sitwasyon ngayong patuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo.
Hiling ni Bangsael kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong na muling gumawa ng hakbang ang lokal na pamahalaan, gaya ng nauna nitong resolusyon na nagbigay-daan sa voluntary increase sa pamasahe kasunod ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon sa kanya, maaaring mas matagalan pa ang proseso kung dadaan sa LTFRB ang panukalang dagdag-pasahe, kaya umaasa silang muling makapaglabas ng resolusyon ang LGU-Baguio.
Para kay Bangsael, mas makatutulong sa kanila ang P3 hanggang P5 na dagdag-pasahe sa Baguio City.
Aniya, hindi na sapat ang fuel subsidy na kanilang natatanggap dahil maliit lamang umano ang natitirang kita sa bawat araw.
Ibinahagi niyang kapag umaabot sa P80 kada litro ang diesel, nasa P500 na lamang umano ang naiiwan sa kanilang kita, na kulang para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Hiling naman ni Bangsael sa publiko na maunawaan ang kalagayan ng mga driver at operator dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.










