Patuloy ang police presence sa mga tourist destination na malapit sa Central Business District o CBD ng Baguio City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Ergie Wanawan, Station Commander ng BCPO Police Station 7, sinabi niyang patuloy nilang isinasagawa ang Oplan Tambuli, kung saan nagbibigay sila ng paalala sa mga namamasyal na bantayan at siguraduhing ligtas ang kanilang mga gamit upang maiwasan ang theft incidents.
Patuloy din aniya ang kanilang pagbabantay gamit ang mga CCTV sa mga lugar na sakop ng kanilang istasyon.
Aabot sa 139 personnel ng BCPO Police Station 7 ang nakatalaga sa tatlong fixed visibility posts sa CBD.
Naideploy na rin sa kanilang lugar ang 36 police trainees upang makatulong sa police visibility at seguridad.
Samantala, kabilang sa mga karaniwang paglabag sa ordinansa na kinasasangkutan ng mga turista ang King of the Road Ordinance at anti-road obstruction, kung saan pinapatawan ng kaukulang ticket ang mga lumalabag.
Nanawagan naman si Wanawan sa publiko, partikular sa mga bibisita sa CBD, na tiyaking maayos na nakasecure ang kanilang mga gamit upang maiwasan ang pagkawala ng mga ito.
Hinimok din niya ang mga motorista na magbaon ng sapat na pasensya at mag-ingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang mga traffic incident.
Ayon sa opisyal, mataas ang naitatalang insidente ng reckless imprudence resulting in damage to property sa kanilang nasasakupan.











