--Ads--

Patuloy ang paghahanda ng Commission on Elections o Comelec-Baguio para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE 2026 sa November 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Romeo L. Aguilar Jr., Election Officer ng Comelec-Baguio, sinabi nitong nakahanda na ang kanilang tanggapan, partikular na para sa pagsisimula ng filing ng Certificate of Candidacy o COC sa Lunes, September 28.

Ayon kay Aguilar, naka-iskedyul ang filing ng bawat barangay upang maging organisado ang proseso. Aniya, isinagawa ito batay sa alphabetical arrangement upang maiwasan ang dagsaan ng mga kandidato sa tanggapan ng Comelec.

Kabilang sa mga kailangang dalhin sa filing ang tatlong kopya ng COC, gamit ang prescribed form na kailangang kumpleto ang lahat ng kinakailangang impormasyon.

Kailangan din umanong maglakip ng birth certificate, passport-size photograph, at documentary stamp tax. Ang COC ay dapat ding maisagawa sa ilalim ng panunumpa o oath. Ayon sa Comelec rules, kailangang may kalakip na kopya ng birth certificate at passport-size photo ang COC, habang ang documentary stamp tax ay ikinakabit sa isang kopya ng COC.

Binigyang-diin ni Aguilar na hindi tatanggapin ang mga COC na hindi kumpleto ang mga kinakailangang dokumento.

Libre naman umanong makukuha sa tanggapan ng Comelec ang prescribed COC form.

Samantala, bukas ang tanggapan ng Comelec-Baguio mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon para sa filing ng COC sa itinakdang filing period na September 28 hanggang October 5, 2026.