--Ads--

Nakaalerto na ang mga miyembro ng Police Regional Office Cordillera (PROCOR) para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng publiko ngayong Undas, upang maging ligtas at payapa ang paggunita at pagsasama-sama ng mga pamilya.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PLT. COL. Genevieve Revocal, tagapagsalita ng PNP Cordillera, sinabi nitong nagsimula kahapon ang full alert status ng PRO Cordillera na magtatagal hanggang November 3.

Ayon kay Revocal, personal na nagsagawa ng inspeksyon si Regional Director BGEN David Peredo Vallo sa mga sementeryo sa Baguio City, La Trinidad, Benguet, at iba pang lugar upang alamin ang sitwasyon at matiyak ang kahandaan ng mga awtoridad.

Kasabay nito, nagpaabot din sila ng mga paalala tungkol sa kaligtasan at nagsagawa ng koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya. Kabilang sa mga nakasama ni Vallo ang regional director ng Department of Transportation (DOTr), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at mga opisyal ng iba’t ibang lokal na pamahalaan.

Ayon pa kay Revocal, hinikayat ni Vallo ang publiko na maging mapagmatyag laban sa mga mapagsamantala at palaging mag-ingat upang maging ligtas ang pagdiriwang ng Undas.

Sinabi rin nito na nakadeploy na ang iba’t ibang yunit ng pulisya sa buong Cordillera, partikular sa mga sementeryo, na nagsimula pa kahapon.

Bukod sa mga sementeryo, kabilang din sa mga itinuturing na priority areas ng PROCOR ang mga lugar-sambahan, pangunahing daluyan ng trapiko, at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.

Nagdagdag din ng K9 units sa mga transportation hub at mga pangunahing destinasyon ng mga turista bilang bahagi ng pinaigting na seguridad.

Tiniyak naman ng PROCOR na nakahanda at nakaantabay ang kanilang mga tauhan sa anumang posibleng insidente, bagama’t umaasa silang magiging mapayapa at walang anumang hindi kanais-nais na mangyayari ngayong Undas.

Samantala, sa ngalan ni RD Vallo, muling nanawagan si Revocal sa publiko na magkaisa sa pagtataguyod ng isang ligtas at mapayapang komunidad.

Pinayuhan din niya ang mga biyahero na huwag maging kampante at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang anumang aksidente.