Nagulat umano ang mga organizer sa dami ng mga estudyanteng nakiisa sa isinagawang protesta kahapon laban sa Pax Silica at kay US President Donald Trump. Kabilang sa mga lumahok ang mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad at high school.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bdog Constantino, spokesperson ng League of Filipino Students (LFS) Baguio-Benguet, sinabi nitong lumampas sa kanilang inaasahan ang bilang ng mga nakilahok sa protesta.
Aniya, maging ang kanilang grupo ay nagulat sa dami ng mga dumalo, gayundin ang mga pulis na nakasaksi sa pagkilos.
Nagulat din umano sila dahil hindi lamang mga estudyante mula sa University of the Cordilleras (UC), University of Baguio (UB), Saint Louis University (SLU), at University of the Philippines Baguio (UP Baguio) ang nakilahok. May mga delegasyon din umano mula sa Benguet State University (BSU) sa La Trinidad, gayundin ang mga high school students mula sa Baguio City National High School at iba pang paaralan.
Ayon kay Constantino, unang malakihang pagkilos pa lamang ito at inaasahan nilang magkakaroon ng multisectoral rally sa Malcolm Square sa Lunes, ganap na alas-5 ng hapon. Gayunman, nakadepende pa rin umano ang bilang ng mga makikilahok sa availability ng bawat grupo o indibidwal.
Iginiit din ni Constantino na mulat ang kabataan sa mga isyung may kaugnayan sa Pax Silica at sa pagbisita ni US President Donald Trump sa ASEAN Summit.
Binigyang-diin niya na hindi passive ang kabataan sa mga nangyayari sa bansa, bagkus ay aktibo silang nakikilahok sa paghubog ng kasaysayan.
Aniya, ramdam na ramdam din ng mga kabataan ang epekto ng krisis pang-ekonomiya, kabilang ang patuloy na paghihirap at krisis sa edukasyon. Gayunman, sa halip na unahin umano ng pamahalaan ang kapakanan ng mga Pilipino, mas nakikita nila ang pakikipagpartner nito sa Estados Unidos at ang umano’y pagbebenta ng mga lupain at pagsasamantala sa mga kritikal na mineral ng bansa.
Giit pa niya, hindi ang ordinaryong Pilipino ang pangunahing nakikinabang sa mga inisyatiba ng pamahalaan.
Bagama’t may mga dayuhang pamumuhunan sa bansa, kinuwestiyon din ni Constantino kung tunay bang makatutulong ang mga ito sa paglutas sa mga krisis na kinakaharap ng Pilipinas, partikular sa edukasyon at pagkakaloob ng mga pangunahing serbisyo.
Dahil dito, patuloy umano ang pagtutol at pagkadismaya ng kabataan sa mga polisiya at hakbang ng pamahalaan.











