--Ads--

BAGUIO CITY – Ibinahagi ng isang sundalo ang mga posibleng hamong kakaharapin ng isang bagitong sundalo sa pagpasok sa serbisyo militar.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio kay 1LT Dexter Buyogan Mamma, Commanding Officer ng 112SEC, 11th Infantry Division, Philippine Army, ibinahagi nito ang kanyang personal na karanasan sa pagpasok sa serbisyo.

Ayon kay Mamma, kapag nag-uulat na ang isang sundalo sa kanyang itinalagang yunit, kadalasan ay buo na ang organisasyon at kailangang makibagay agad sa umiiral na sistema.

Aniya, isa sa pinakamalaking hamon ay ang pamumuno o leadership. Bilang commanding officer, kailangan niyang pangunahan ang mahigit 100 tauhan na may magkakaibang ugali, tradisyon, edad, at relihiyon. Karamihan sa mga ito ay mas matanda pa sa kanya.

Sinabi niya na malaki ang inaasahan sa mga batang opisyal na unang nag-uulat sa field. Sa mga unang pagkakataon pa lamang, nabubuo na umano ang impresyon ng kanilang mga tauhan sa kanilang kakayahan bilang lider. Sa mga combat operation naman, sa kanila nakatuon ang atensyon at inaasahan ng kanilang mga nasasakupan.

Ibinahagi rin ni Mamma na mahalagang taglayin ng isang sundalo ang Skill, Stamina, at Spirit, na aniya ay natutuhan niya sa loob ng organisasyon. Ayon sa kanya, ang tatlong ito ang nagsisilbing gabay upang malampasan ang iba’t ibang hamon sa serbisyo, lalo na sa Philippine Army. Dagdag pa niya, ang mga ito ay nahuhubog sa pamamagitan ng masusing pagsasanay o training.

Inamin din niya na hindi maiiwasan ang pressure, lalo na sa mga bagong pasok sa organisasyon. Marami umanong pumapasok sa isip ng isang bagitong sundalo tungkol sa mga posibleng mangyari sa kanyang bagong tungkulin. Bilang payo, sinabi niyang mahalagang humingi ng gabay at payo sa mga senior officials upang mas madaling matugunan ang mga hamon at isyung kinakaharap sa field.

Ayon pa kay Mamma, isa sa mga paraan upang mapanatili ang pagkakaisa ng kanyang mga tauhan ay ang regular na pagsasagawa ng training at team-building activities. Aniya, hindi lamang kasanayan ang nade-develop sa training kundi maging ang camaraderie at pagkakaisa ng bawat isa upang maging handa sa anumang operasyon o administratibong gawain, sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba. Mahalaga rin umano ang tuloy-tuloy na komunikasyon sa pamamagitan ng regular na reminders at talk to troops.

Para kay Mamma, ang pinakamahalagang katangian ng isang lider ay ang resiliency. Aniya, dapat maging matatag ang isang lider dahil siya ang nagsisilbing huwaran ng kanyang mga tauhan at hindi dapat siyang unang panghinaan ng loob kapag may suliranin.

Dagdag pa niya, mahalagang maging matatag ang isang sundalo sa lahat ng aspeto—pisikal, mental, emosyonal, at espirituwal—upang maging epektibo sa pagtupad ng kanyang tungkulin.