Binigyang-diin ni Mayor Benjamin Magalong ang kahalagahan ng pagiging maingat ng mga turista at bisita sa Summer Capital sa kanilang pag-book ng matutuluyan upang hindi maging biktima ng mga scam at ilegal na transient business.
Ginawa ng alkalde ang paalala habang naghahanda ang lungsod na ilunsad ang mga aktibidad na inaasahang makakaakit ng maraming tao para sa Panagbenga Festival ngayong buwan.
Gaganapin ang ika-30 Panagbenga Festival mula Pebrero 1 hanggang Marso 8, 2026, na tampok ang Street Dance Parade sa Pebrero 28 at Grand Float Parade sa Marso 1.
Ayon kay Magalong, karaniwan ginagamit ng mga scammer ang mga pekeng social media page at account na nagpapakilalang may-ari o kinatawan ng mga lehitimong establisyimento ng matutuluyan.
Upang matiyak ang lehitimong transaksyon, hinihikayat ang mga bisita na makipag-ugnayan lamang sa mga accommodation establishment na nakalista sa opisyal na website ng lungsod para sa tulong sa turismo, ang Visita website.
Para mapatunayan ang lehitimong transaksyon, pinapayuhan din ang publiko na tumawag sa Permits and Licensing Division sa 619-3184 upang makumpirma ang pangalan ng rehistradong may-ari at ang kanilang contact number.
Maaaring i-report ang mga pekeng account sa opisyal na Facebook page ng Baguio City Anti-Cyber Crime Unit o tumawag sa 0908-899-7228.











