--Ads--

BAGUIO CITY – Natagpuan ngayong araw ang lumulutang na bangkay ng isang estudyante sa irrigation canal sa Sitio Calaocan, Salinungan West, San Mateo, Isabela.

Kinilala ang biktima bilang si Maehyezine Get-ang Concepcion, isang Computer Engineering student mula sa Ifugao State University. Siya ay may asawa at anak at residente ng Barangay Namnama, Alfonso Lista, Ifugao.

Isang bata ang nakakita sa bangkay ng biktima at agad itong ipinaalam sa mga residente, na siya namang nag-ulat sa mga awtoridad.

Sa pag-recover sa katawan ni Concepcion, natuklasan ng mga pulis na nakatali ang kanyang mga kamay at nababalot siya ng kumot.

Pinaniniwalaang itinapon siya sa irrigation canal ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa bahagi ng Salinungan West, San Mateo, Isabela.

Batay sa inisyal na impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan mula sa embalsamador na nag-asikaso sa bangkay, may indikasyon na pinalo sa ulo ang biktima, batay sa natagpuang sugat sa kanyang ulo.

Ayon pa sa embalsamador, tinatayang tatlo hanggang limang araw nang nakababad sa tubig ang bangkay bago ito natagpuan.

Nauna nang napaulat na nawawala ang biktima noong Pebrero 20, 2025, kaya agad nagsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa Alfonso Lista, Ifugao upang matukoy ang kanyang kinaroroonan at ang dahilan ng pagkawala niya.

Sa isinagawang pagsisiyasat, natagpuan ng mga awtoridad ang motorsiklo ng biktima sa Santa Maria, Ifugao.

Samantala, sa isang CCTV footage, nakita si Concepcion na umangkas sa ibang motorsiklo bago siya napaulat na nawawala.

Nakatakda namang isailalim sa awtopsiya ang bangkay upang matukoy ang eksaktong dahilan ng kanyang pagkamatay.

Nanawagan ang pamilya ng biktima sa publiko na tumulong sa paghahanap ng hustisya para kay Concepcion.