--Ads--

Isinusulong ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas ang paggamit ng mga electric jeep bilang alternatibong transportasyon dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Orlando Marquez, National President ng nasabing grupo, may plano silang maglunsad ng 45 units ng e-jeep, at posibleng mas marami pa kung bibigyan ng permit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB. Popondohan umano ito ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson, na layuning tulungan at pasiglahin ang pampublikong transportasyon.

Ang electric jeep ay may dalawang baterya na kayang tumakbo ng halos 200 kilometro. Mayroon na umanong solar charging stations sa Rosario, Urdaneta, sa Pangasinan at San Fernando, Pampanga, at plano rin itong i-install sa solar panels upang ma-charge ang isang baterya habang ginagamit ang isa.

Ayon kay Marquez, ang presyo ng isang electric jeep ay aabot sa P2.4 milyon, habang ang mas maliliit na unit sa Cavite at Makati ay P3.6 milyon.

Samantala, inihayag nito na patuloy ang pakikibaka ng mga driver at operator laban sa epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo upang maibalik ang kanilang kabuhayan.