BANGUED, Abra — Boluntaryong isinuko ng isang residente ng Barangay Calaba ang kanyang electrofishing equipment matapos ang isinagawang barangay visitation at dialogue ng 1st Abra Provincial Mobile Force Company (PMFC) bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na pangingisda.
Isinagawa ang aktibidad noong Hulyo 13 sa pangunguna ni PMaj Vencioly M. Luzano, Acting Force Commander ng 1st Abra PMFC, kasama ang mga opisyal at residente ng barangay.
Sa isinagawang dayalogo, tinalakay ang kahalagahan ng pangangalaga sa yamang-tubig, pagsunod sa umiiral na batas sa pangisdaan, at ang masamang epekto ng paggamit ng mga ipinagbabawal na pamamaraan at kagamitan sa pangingisda sa kalikasan.
Bilang resulta ng programa, kusang-loob na isinuko ng isang lalaking residente ang isang electrofishing gadget na binubuo ng 12-volt power inverter, electric fishing rod, at fishnet. Nasaksihan ang turnover ni Punong Barangay Renato Peralta Brazuela.
Agad namang ipinasa ng pulisya ang mga nakumpiskang kagamitan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Ayon sa 1st Abra PMFC, ipagpapatuloy nito ang mga programang nakatuon sa pangangalaga ng kalikasan at likas na yaman sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga komunidad, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya. Hinikayat din nito ang publiko na makiisa sa kampanya laban sa ilegal na pangingisda at iba pang paglabag sa mga batas pangkalikasan.











