BAGUIO CITY — Ipinahayag ng mga natitirang saksi sa 1986 Mount Data Peace Agreement at mga tagapagtaguyod ng awtonomiya ang kanilang pagkadismaya matapos hindi magbigay ng malinaw na pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa panawagang pagkakalooban ng awtonomiya ang Cordillera sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Cordillera Bodong Administration (CBA) chief executive officer Engr. Andres Ngao-I, mali rin ang naging batayan ng Pangulo nang banggitin nito ang 2011 agreement sa halip na ang 1986 Mount Data Peace Agreement, na aniya’y siyang pundasyon ng usapang pangkapayapaan sa rehiyon.
Iginiit ni Ngao-I na nananatiling hindi pa ganap ang kasunduang pangkapayapaan dahil hindi pa rin naipagkakaloob ng pamahalaan ang matagal nang hinihiling na awtonomiya ng Cordillera.
Aniya, bagama’t mahalaga ang suporta ng pamahalaan sa mga proyektong pangkaunlaran, nananatiling pangunahing isyu ang pagkakaloob ng awtonomiya sa rehiyon.
Hinimok din niya si Pangulong Marcos na sertipikahang urgent ang House Bill 6981 na naglalayong likhain ang Cordillera Autonomous Region, tulad ng ginawa nina dating Pangulong Corazon Aquino at Fidel V. Ramos sa mga naunang panukalang batas para sa awtonomiya. Aniya, nananatili ang pag-asa ng mga tagapagtaguyod na maisusulong ang panukala sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso.









