“Staggered” ang pagpapatupad ng mga kumpanya ng langis sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa Baguio City sa iba’t ibang araw ng linggo.
Ito ang naobserbahan ng Department of Trade and Industry (DTI) Baguio-Benguet sa kanilang isinagawang monitoring kamakailan kasama ang Task Force ng Local Price Coordinating Council.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Ralph Altiyen, head ng DTI Baguio-Benguet Consumer Protection Division, sinabi niyang layunin ng staggered implementation na maiwasan na mamahalan o mahirapan na makakuha ng produktong petrolyo ang mga motorista.
Ayon kay Altiyen, may kapangyarihan ang Local Price Coordinating Council na magrekomenda ng kaukulang aksyon laban sa mga lalabag sa mga utos ng pambansang pamahalaan tulad ng Department of Energy (DOE).
Samantala, iginiit ni Altiyen na may karapatan ang mga kumpanya ng langis na magpatupad ng limitasyon sa dami ng petrolyong maaaring bilhin ng mga motorista. Ito ay kasunod ng pagtatanong ng ilang motorista kung bakit mula sampu hanggang dalawampung litro lamang ang maaaring mabili.
Dagdag pa niya, sa ngayon ay wala namang naitatalang katulad na alalahanin sa Baguio City at sa iba pang mga munisipalidad sa lalawigan ng Benguet.










