LA TRINIDAD-BENGUET- Nasawi ang dalawang empleyado ng Benguet Provincial Engineering Office (PEO) matapos na mahulog ang kanilang sinasakyang loader sa bangin na tinatayang 100 metro ang lalim sa Lower Kesbeng, Poblacion, La Trinidad, Benguet noong Hulyo 29, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Hon. Romeo Salda, Board Member ng Benguet District 2, nagsasagawa ng clearing operation ang grupo kaugnay ng soil erosion sa lugar nang mangyari ang insidente.
Ayon sa paunang imbestigasyon, posibleng nawalan ng preno ang loader habang nasa kurbadang bahagi ng kalsada.
Dahil dito, nawalan ng kontrol ang operator at tuluyang nahulog ang sasakyan sa bangin.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Redentor Roldan ng Kesbeng, Poblacion at Rex Gayang ng Lubas, parehong residente ng La Trinidad, Benguet.
Ayon kay Hon. Salda, apat ang sakay ng loader. Dalawa ang pinalad na makaligtas matapos tumalon bago pa mahulog ang sasakyan.
Agad namang humingi ng saklolo ang mga nakaligtas at naisugod sa pinakamalapit na ospital.
Samantala, inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng La Trinidad, Benguet ang Resolution 263-2025 na nagdedeklara sa munisipyo sa ilalim ng State of Calamity.
Ito ay idineklara dahil sa epekto ng mga nagdaang bagyo at ang kasalukuyang nararanasang Habagat na patuloy na nakakaapekto sa nasabing munisipyu.
Kabilang sa mga naapektuhan ay ang binahang tanim sa Strawberry Farm, at sa mga katabing lugar.
Ayon sa inisyal na ulat mula sa Municipal Agriculture Office at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, nakapagtala sila ng humigit-kumulang P10.7 milyon na pinsala sa imprastraktura at pinsala sa agrikultura na may kabuuang kabuuang P17.6 milyon.//Bombo News Team