Nagpaalala ang Department of Labor and Employment o DOLE na ang Pebrero 25, ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, ay isang ordinaryong working day.
Ayon sa DOLE, ang mga empleyado sa pribadong sektor na papasok ay tatanggap ng 100% ng kanilang sahod para sa unang walong oras. Para naman sa overtime, may dagdag na 25% ng hourly rate. Kung hindi papasok, umiiral ang “no work, no pay” maliban na lang kung may company policy o CBA na nagbibigay ng bayad.
Noong mga nakaraang taon, idinedeklara ang Pebrero 25 bilang special non-working day bilang paggunita sa 1986 EDSA Revolution na nagpatalsik kay Ferdinand Marcos Sr..
Noong 2023, inilipat ni Ferdinand Marcos Jr. ang paggunita sa Pebrero 24 bilang bahagi ng holiday economics. Sa mga sumunod na taon, hindi na ito idineklara bilang regular o special non-working holiday.
Dahil dito, may mga mambabatas sa Kamara na naghain ng panukala upang gawing regular holiday ang Pebrero 25 taun-taon, na pag-aaralan pa umano ng Malacañang.











