--Ads--

Itogon, Benguet – Isang seryosong usapin ang kinakaharap ngayon ng maraming commuter sa Poblacion, Itogon, Benguet, partikular ang mga bumibiyahe patungong Baguio City

Ayon sa mga pasahero, ang dating regular na pamasahe sa rutang ito ay ₱32, na itinaas sa ₱50 noong kasagsagan ng pandemya at nanatiling ganoon hanggang kamakailan. Gayunpaman, simula noong Marso 29, 2026, bigla itong umakyat sa ₱90 kada pasahero para sa tinatayang 18 hanggang 20 kilometrong biyahe.

Dahil sa halos dobleng pagtaas ng pamasahe, nagpahayag ng pagkabahala ang mga commuter, na nagsasabing tila labis ang singil at maaaring hindi naaayon sa aprubadong fare matrix ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Nakatakdang magsagawa ng pulong ngayong darating na Sabado ang mga kinauukulan upang talakayin ang naturang isyu. Umaasa ang mga apektadong pasahero na mabibigyang-linaw ang sitwasyon at maisasaalang-alang ang kapakanan ng parehong mga driver at commuter.

Kaugnay nito, magalang na hinihiling ng mga residente at mananakay ang tulong ng kinauukulan upang mabigyang-pansin ang nasabing suliranin at agad na maaksyunan ng mga tamang ahensya.