--Ads--

BUGUIAS, BENGUET – Isang mabigat na desisyon ang kinaharap ng mag-asawang magsasaka na sina Elvie Maguli at kanyang asawa mula Baculongan, Norte matapos nilang piliing huwag nang anihin ang kanilang tanim na repolyo.

Sa halip na mapakinabangan, hinayaan na lamang nilang mabulok sa kanilang taniman ang tinatayang 10,000 kilo ng ani dahil sa labis na baba ng presyo nito sa merkado.

Sa panayam, ibinahagi ni Elvie na mas makabubuti na raw ang ganitong hakbang kaysa gumastos pa sila para sa pasahod at transportasyon ng produkto.

Ayon sa kanya, lugi na sila sa kasalukuyang presyo ng repolyo na umaabot lamang sa P4 hanggang P8 kada kilo sa trading area sa La Trinidad, Benguet.

Ikinuwento rin niya na nakapag-ani na sila dati, ngunit sa halip na kumita ay lalo pa silang nabaon sa utang.

Dahil dito, napagdesisyunan nilang huwag nang ipagpatuloy ang pag-aani ng natitirang pananim upang maiwasan ang karagdagang gastusin at stress.

Umabot umano sa P150,000 ang kanilang puhunan sa pagtatanim ng repolyo, ngunit walang naibalik na kita mula rito.

Sa halip, mas lalo pa silang nahirapan sa pinansyal na aspeto.

Kaugnay nito, nananawagan si Elvie, kasama ang iba pang magsasaka sa pamahalaan na sana ay magkaroon ng mas makatarungang presyo para sa kanilang mga produkto.

Hiling nila na itaas sa hindi bababa sa P20 kada kilo ang presyo ng repolyo upang mabawi man lamang ang kanilang gastos at masuportahan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.