Inilibing na ang mga labi ng isang 74-anyos na babae na umano’y karumal-dumal na pinaslang ng sarili niyang anak sa Bokod, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Bokod Mayor Erik Donn Ignacion na nadiskubre ang bangkay ng biktima noong Mayo 3, 2026 na nakabaon sa lupa sa kanilang bakuran.
Ayon sa mga residente, napansin nila na tila may hinuhukay ang suspek sa lupa.
Nang kanilang lapitan, nakita ang paa ng biktima, dahilan upang agad nilang ipagbigay-alam ito sa mga awtoridad.
Sa pagresponde ng pulisya, napag-alaman na hiwalay ang ulo at naaagnas na ang bangkay ng biktima.
Tinatayang dalawa hanggang tatlong araw nang patay ang biktima bago ito natagpuan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Bokod Municipal Police Station, pinaniniwalaang pinagtataga ang biktima, partikular sa likod, base sa dami ng dugo na nakita sa loob ng kanilang bahay.
Pinaghihinalaan ding nagtangkang tumakas ang biktima bago tuluyang napatay.
Napag-alaman na walang ibang kasama sa bahay ang biktima at ang suspek nang mangyari ang insidente dahil ang mga kapatid ng suspek ay may kani-kaniyang pamilya na habang nasa trabaho rin ang mga kapitbahay kaya walang nakapansin sa krimen.
Sa imbestigasyon, lumabas na may schizophrenia ang suspek, ayon sa kanyang mga kaanak.
Muntikan na rin umano nitong saktan ang kanilang ama ilang taon na ang nakalipas, dahilan upang humiwalay ito ng tirahan.
Nabatid na nagpagamot ang suspek sa isang mental institution sa Baguio City noong 2014 at kalaunan ay nakalabas.
Ipinagpatuloy umano nito ang pag-inom ng gamot ngunit itinigil kamakailan dahil sa umano’y panghihina ng katawan.
Inilarawan naman ang biktima bilang “soft-spoken” na tao.
Posibleng nakahingi pa umano ito ng tulong ngunit hindi narinig ng mga kapitbahay.
Samantala, kilala naman ang suspek bilang mabait na magsasaka at kasalukuyang nagpapagawa pa ng sarili nitong bahay, kaya’t hindi makapaniwala ang mga residente na magagawa nito ang krimen.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Prosecutor’s Office sa La Trinidad ang suspek habang isinasagawa ang karagdagang imbestigasyon.
Posibleng maharap ito sa kasong parricide, ayon sa mga awtoridad.
Humihingi naman ng panalangin at paggalang sa privacy ang lokal na pamahalaan para sa pamilya ng biktima at sa komunidad, at pinaalalahanan ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.//mp4











