Nakaantabay naman umano ang mga jeepney units sa mga terminal, at ang pangunahing problemang kanilang napansin nitong mga nakaraang araw ay ang pagsisikip ng trapiko.
Ito ay kasunod ng obserbasyon sa mahahabang pila ng mga pasahero sa mga terminal sa Baguio City, lalo na noong ASEAN Summit break.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Wilson Bumay-et Jr., pangulo ng Jeepney Federation, na nakaranas ng matinding trapiko sa Marcos Highway, Central Business District (CBD), at mga tourist spot gaya ng Botanical Garden at iba pang pasyalan.
Aminado si Bumay-et na hindi rin niya inaasahan ang dami ng mga turistang dumagsa sa lungsod. Aniya, tila sa Baguio na nagbakasyon ang karamihan sa mga taga-Metro Manila.
Dahil dito, sinabi niyang nagsasagawa sila ng regular na pagpupulong kasama ang City Engineering Office at Traffic Enforcement Office upang makabuo ng mga hakbang na makatutulong sa pagluwag ng trapiko sakaling maulit ang ganitong pagdagsa ng mga turista.
Samantala, humingi siya ng paumanhin at pang-unawa sa mga komyuter na nakaranas ng mahabang paghihintay at pagpila. Aniya, maging sila ay hindi rin nakahanda sa hindi inaasahang dami ng mga pasahero.
Hinimok din niya ang mga jeepney driver na patuloy na magbigay ng maayos na serbisyo sa mga komyuter dahil bahagi ito ng kanilang tungkulin.











