--Ads--

PHILIPPINES – Kinumpirma ng Bureau of Immigration na nasa Indonesia ang na-dismiss na Mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.

Ayon kay Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval, bumiyahe si Guo sa Malaysia mula sa Pilipinas noong Hulyo 16 at dumating sa Indonesia mula sa Singapore noong Agosto 18.

Sinabi rin ni Sandoval na sinusubaybayan ng Immigration Bureau ang mga galaw ni Guo para makita ang mga indibidwal na nasa likod ng kanyang mga paglalakbay.

Una na ring sinabi ni Senador Risa Hontiveros na umalis ng Pilipinas si Alice Guo o kinilalang si Guo Hua Ping noong Hulyo 18.

Nauna nang sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na umalis ang na-dismiss na alkalde at bumiyahe sa tatlong bansa sa Southeast Asia, pangatlo ang Indonesia.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na umalis ng bansa si Guo nang hindi dumaan sa mga awtoridad sa imigrasyon ng Pilipinas.

Samantala, maaaring i-deport o ibalik si Guo sa Pilipinas kapag nakansela ang lahat ng kanyang travel documents.

Tiniyak din niya na mahigpit nilang binabantayan ang kanyang mga galaw sa ibang bansa.