--Ads--

LOWER MAGSAYSAY, Baguio City – Hinihinalang may mga hindi residente ng Barangay Lower Magsaysay, Baguio City ang nagtatapon ng basura sa isang bahagi ng barangay, dahilan ng pagdami ng mga nagkalat na basura sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Barangay Lower Magsaysay Punong Barangay Jose Amagen Jr., sinabi niyang batay sa kuha ng CCTV, may isang kulay abong (gray) pick-up na namataang nagbaba ng basura. Gayunman, hindi nakunan ng camera ang plaka ng sasakyan.

Ang pahayag ay kasunod ng panawagan ng isang concerned citizen na agad aksyunan ang tambak na basura sa harap ng isang simbahan sa barangay. Ayon sa residente, matagal nang hindi nakokolekta ang mga basura at nagdudulot na ito ng mabahong amoy sa lugar.

Ipinaliwanag naman ni Amagen na hindi lahat ng basura ay mula sa naturang pick-up. Aniya, posibleng may iba pang nagtatapon ng basura sa lugar, kaya lalo itong nadagdagan. Karamihan umano sa mga itinapon ay plywood at iba pang construction materials.

Nakipag-ugnayan na rin ang barangay sa General Services Office (GSO) ng Baguio City upang tumulong sa paglilinis ng lugar, dahil hindi na umano kayang mag-isa ng barangay ang pagsasagawa ng clearing operation.

Samantala, nagbabala si Amagen sa mga taong iligal na nagtatapon ng basura sa kanilang barangay. Aniya, dapat na silang tumigil sa ganitong gawain dahil may hangganan din ang kanyang pagpapasensya. Dagdag pa niya, bagama’t mahinahon pa siya sa ngayon, maaari siyang magsagawa ng mas mahigpit na hakbang laban sa mga mahuhuling lumalabag sa batas.