Suportado ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang hakbang ng ilang oil companies o gasoline stations sa lungsod na magbigay lamang ng limitadong suplay ng produktong petrolyo sa mga motorista upang mas marami ang makinabang.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi niya na maganda ang nasabing hakbang basta’t mahalaga na walang nagaganap na panlilinlang, kalokohan, o anumang anomalya.
Ayon kay Mayor Magalong, makikipagpulong siya sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), at Baguio-Benguet Business Club kasama ang iba pang business associations at groups upang pag-usapan ang isyu. Layunin nitong magkaroon ng memorandum of understanding (MOU) upang hindi mapagsamantalahan ang kasalukuyang sitwasyon at masigurong nananatiling stable at makatwiran ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Naniniwala si Magalong na may posibleng chain reaction kapag tumaas ang presyo ng gasolina dahil maaapektuhan nito ang iba’t ibang sektor tulad ng logistics, serbisyo, water services, at kuryente, lalo na’t umaasa ang marami sa fossil fuel.
Samantala, iginiit ng alkalde na hindi agad mauubusan ng produktong petrolyo sa Baguio. Ayon aniya sa Department of Energy , mayroon pang humigit-kumulang 51 araw na fuel inventory sa buong Pilipinas.
Gayunman, sinabi ni Magalong na kung magpapatuloy ang panic buying, maaaring maubos agad ang suplay sa mga gasolinahan at magdulot ng pansamantalang kakulangan ng petrolyo sa lungsod.
Nauna nang binalaan ni Benjamin Magalong, Mayor ng Baguio City, ang mga kumpanya ng langis sa lungsod na huwag samantalahin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa alkalde, patuloy na babantayan ng lokal na pamahalaan ang galaw ng presyo ng langis at iginiit niyang maaaring bawiin ang mga business license ng mga establisimyento kapag napatunayang nagsasamantala sa sitwasyon, kabilang na ang iligal na pag-iimbak o hoarding ng gasolina.









