--Ads--

Iilan lamang ang mga nagmumula sa Baguio City, samantalang mas marami ang mula sa Benguet na pumupunta sa Saudi Arabia para sa pagdarasal sa Mecca.

Ayon kay Imam Shamshodin Monib, presidente ng Baguio-Benguet Muslim Association, sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, wala daw pangamba, takot, o kaba ang mga Muslim sa kabila ng tensyon sa pagitan ng Israel-US at Iran, batay obserbasyon ng mga taong naroroon.

Ani Monib, magkakaiba ang araw ng flight ng mga nagmumula sa Baguio, dahil may ilan na isang linggo lamang sa Umrah o Minor Hajj. “May mga dumadating, at may mga umuuwi rin,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, umaabot sa libo ang bilang ng mga naroroon sa Mecca. Ipinaliwanag din niya na hindi obligadong pumunta sa Mecca, at bukas ang lugar para sa sinumang nais sumali sa pagdarasal.

Samantala, ibinahagi rin ni Monib ang kanyang personal na karanasan sa Hajj. Ayon sa kanya, nararamdaman talaga ang suffocation sa ilang bahagi ng Hajj. May isang lagusan o tunnel na medyo masikip, kung saan kapag nagkaroon ng brownout o nawalan ng aircon, posibleng makaramdam ng paninikip ng dibdib.

Dagdag pa niya, kung maraming tao ang dumadaan o tumatakbo sa iisang daanan, posibleng magdulot ito ng stampede dahil hindi alam ng mga tao kung saan dadaan o pupunta.

Ito ay kaugnay ng mga naitalang insidente sa nakaraang mga taon kung saan may mga namatay dahil sa matinding init at stampede. Aniya, dapat bigyang pansin ng Saudi Government ang ganitong sitwasyon at humanap ng solusyon upang maiwasan ang panganib sa mga dumadalo.