--Ads--

BAGUIO CITY – Isang wala nang buhay na fetus ang natagpuan sa isang garbage collection point sa kahabaan ng Legarda Road bandang alas-9:50 ng umaga noong Agosto 26.

Ayon sa inisyal na ulat ng Baguio City Police Office (BCPO) Station 5, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa presensya ng naturang fetus.

Agad na nagtungo sa lugar ang mga awtoridad at dito nila nakita ang fetus na nakalagay sa isang transparent na cellophane at nakabalot pa sa asul na kumot.

Kinumpirma naman ng mga otoridad na natukoy na ang pagkakakilanlan ng ina ng nasabing fetus, subalit hindi muna inilalabas ang kanyang detalye habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sa panayam ng mga imbestigador mula sa BCPO Station 5, inamin ng ina na natakot siyang aminin ang kanyang pagbubuntis dahil sa mahigpit na bilin ng kanyang ina na huwag magpapakita kung siya’y magdadalang-tao nang walang ama ang bata.

Napag-alamang ang suspek ay isang 25-anyos na caretaker ng isang transient house sa lungsod at residente ng Pampanga.

Sa kasalukuyan, inihahanda na ng mga awtoridad ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kanya.//via Jerwin Aquino