Magsisimula mamayang alas otso ng umaga ang tagisan ng husay sa pagsayaw at pag-indak ng mga kalahok sa Street Dancing Parade at Cultural Dance.
Tampok ito sa grand opening ng Panagbenga Festival 2026 Street Dancing Competition, partikular sa Elementary Division.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Andrew Pinero, Media Committee Chairman ng Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI), sinabi niyang isasagawa ang pre-judging ngayong umaga kasabay ng opening parade, para mabigyan ng pagkakataon ang mga grupo na mas mapahusay pa ang kanilang performance sa Grand Street Dance Parade na gaganapin sa February 28.
Ang mga kalahok ay nagmula sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan ng Benguet.
Ani Pinero, walang inimbitahang panguhing pandangal sa opening parade dahil ang lokal na pamahalaan ang mangunguna sa programa.
Samantala, nadagdagan ang kabuuang bilang ng mga personnel na itatalaga sa seguridad para sa Panagbenga Festival.
Ayon kay Police Colonel Ledon D. Monte, Deputy Regional Director for Operations ng PRO CAR, aabot sa 2,100 hanggang 2,200 personnel ang unang naideploy ngayong araw, ngunit nadagdagan ito sa kabuuang 2,397 personnel mula sa iba’t ibang ahensya at pamantasan.
Sa naturang bilang, 1,529 ay mula sa PNP, kung saan 1,251 ay mula sa Baguio City Police Office, 278 ay mula sa Regional Headquarters, 15 ang mula sa Regional Force Battalion at Regional Highway Patrol Unit, at 46 ang mula sa Bureau of Fire Protection.
Mayroon ding mga interns mula sa iba’t ibang pamantasan na tutulong upang matiyak ang maayos at ligtas na pagdaraos ng Panagbenga.
Kabilang dito ang 234 interns mula sa University of Baguio, 191 mula sa University of the Cordilleras, 109 mula sa Baguio Central University, at 87 mula sa Easter College Incorporated.
Ayon naman kay Police Brigadier General Ericson D. Dilag, Regional Director ng PRO CAR, dumaan ang lahat ng itatalagang personnel sa mga briefing, koordinasyon, at kaukulang paghahanda.//Bombo News Team











