--Ads--

La Trinidad, Benguet- Kinikilala na ngayon bilang Benguet Day ang Nobyembre 23 matapos lagdaan kamakailan ng Malacanang ang Republic Act 12099.

Sa ilalim ng batas na iniakda ni Benguet Cong Eric Go Yap, kinikilala ang Nobyembre 23 bilang isang special non-working holiday sa lalawigan ng Benguet bilang paggunita sa araw ng pagkakatatag nito. Nobyembre 23, 1900 ang makasaysayang araw kung kailan itinatag ang unang civil government sa Benguet.

Dagdag pa ng mambabatas, ikinagagalak nila ang pagpasa ng batas dahil opisyal nang kinikilala ng pamahalaan ang Nobyembre 23 bilang araw ng kapanganakan ng lalawigan. Aniya, matagal nang ipinagdiriwang ng mga taga-Benguet ang naturang petsa kaya nais niyang mabigyan ito ng wastong pagkilala bilang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng probinsya.

Ipinaliwanag din ni Yap na ipinapakita ng mayamang kasaysayan ng Benguet na bagamat binubuo ito ng iba’t ibang grupo, tribo at kultura, nananatiling maayos at mapayapa ang kanilang pagsasama sa ilalim ng pamahalaang naitatag noon.

Ayon pa sa Benguet lawmaker, una nilang inihain ang panukala noong nakaraang Kongreso at nakalusot ito sa House of representatives ngunit naipit sa Senado. Sinabi niyang naging masalimuot ang proseso dahil kinailangan ding pag-aralan ang posibleng epekto nito sa ekonomiya kahit isa lamang itong lokal na holiday.

Nagpasalamat din siya kay Senador JV Ejercito sa pag-sponsor ng panukala sa plenaryo at kay Pangulong Bongbong Marcos sa pagpapatibay ng batas.

Sinabi rin ng kongresista na ang pagdedeklara sa Nobyembre 23 bilang special non-working holiday ay magbibigay ng pagkakataon sa lalawigan na balikan ang kasaysayan nito at higit pang mapalalim ang koneksyon ng mga mamamayan sa kanilang pinagmulan. Dagdag niya, magsisilbi rin itong panahon upang ipagdiwang ang mga tagumpay at milestone ng Benguet mula nang maitatag ang civil government mahigit isang daang taon na ang nakalipas.

Samantala, naipasa ng House of Representatives ang RA 12099 noong Setyembre 5, 2022, habang inaprubahan naman ito ng Senado noong Agosto 27, 2024 bago tuluyang pagtibayin ng Kamara ang mga amyenda noong Setyembre 25 ng parehong taon. | via Bombo Jordan Tablac