Nahaharap sa kasong qualified theft ang isang suspek matapos umanong nakawin ang isang cellphone na nagkakahalaga ng P22,999 sa Lower Session Road, Baguio City kamakailan.
Kinilala ang suspek bilang isang 42-anyos na residente ng Baguio City. Ang nagreklamo ay isang 42-anyos na empleyado at residente ng Bulacan.
Ayon sa imbestigasyon, binabayaran ng complainant ang biniling mais nang madiskubre niyang nawawala ang kanyang cellphone. Agad siyang tumawag sa kanyang cellphone, at isang pulis ang sumagot. Ayon sa pulisya, ang suspek ang kumotlok o ninakaw ang cellphone.
Nagtungo ang biktima sa Baguio City Police Office Station, at matagumpay na naaresto ang suspek sa Malcolm Square ng dalawang pulis na naka-deploy sa lugar.
Kasunod nito, nagsampa ang biktima ng pormal na kaso laban sa suspek, na isinampa sa mga piskal para sa inquest proceedings. | via Bombo Noveh Organo











