Inaasahang maglalagay na ng mga isda sa Burnham Lake, Baguio City sa Lunes, kasabay ng inauguration ng lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Rafael Serrano, founder ng Fishing Tournament sa Burnham Lake, sinabi niyang nakipag-usap na sila kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong at may donor na magbibigay ng mga isda para sa lawa.
Gayunman, una munang susuriin ang kalidad ng tubig kung saan ilalagay ang mga tilapia. Oobserbahan ang mga ito sa loob ng tatlong araw upang matiyak kung makaka-adapt ang mga isda bago ilagay ang kabuuang 1,000 tilapia sa Burnham Lake.
Ayon kay Serrano, pinag-aaralan din ang posibilidad na maglagay ng koi, ngunit uunahing ipasok ang tilapia bilang bahagi ng paghahanda para sa fishing tournament na inaasahang isasagawa sa Disyembre.
Samantala, pagkatapos ng inauguration ay magkakaroon ng libreng fishing clinic kung saan tuturuan ang mga interesado tungkol sa wastong paggamit ng fishing rod at iba pang pamamaraan sa pangingisda.