Patuloy ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) sa Cordillera Administrative Region (CAR) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakdang isagawa sa Nobyembre 2, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Elenita Julia Tabangin-Capuyan ng Comelec-Cordillera, sinabi niyang nagpapatuloy ang kanilang paghahanda hangga’t wala pang batas na nag-uutos sa postponement ng halalan.
Gayunman, hindi umano nawawala ang posibilidad na maipagpaliban ang BSKE, lalo na’t may mga panukalang batas na nakabinbin sa Kongreso.
Ayon kay Tabangin-Capuyan, hindi masasayang ang mga naimprenta nang balota at election returns sakaling bahagyang mabago ang petsa ng halalan. Aniya, maaari pa ring gamitin at i-recycle ang mga ito upang makatipid ang pamahalaan.
Para kay Tabangin-Capuyan, malaki ang posibilidad na matuloy ang BSKE dahil malapit na itong isagawa. Gayunman, tiniyak niyang nakahanda ang Comelec sa anumang magiging desisyon kaugnay ng sampung panukalang batas na nakabinbin sa Kongreso.
Nang tanungin tungkol sa posibleng epekto ng paulit-ulit na pagpapaliban ng halalan, sinabi ni Tabangin-Capuyan na maaaring maapektuhan ang karapatan ng mga mamamayan sa pagboto o right to suffrage, na isang constitutional right.
Aniya, may karapatan ang bawat Filipino citizen na gamitin ang kanilang karapatang bumoto. Dagdag pa niya, kung magkakaroon ng kawalan ng katiyakan kung kailan idaraos ang halalan, maaari itong magdulot ng usapin sa Konstitusyon, lalo na’t dapat isagawa ang halalan sa regular na pagitan at hindi labis na matagal ang postponement.
Binigyang-diin din ni Tabangin-Capuyan na hindi dapat palaging ipinagpapaliban ang halalan dahil maaaring mawalan ng pagkakataon ang ibang nais tumakbo sa puwesto, habang nananatili sa kanilang posisyon ang mga kasalukuyang opisyal.
Samantala, may karagdagang requirements para sa mga maghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa mga posisyon sa Sangguniang Kabataan.
Kabilang dito ang original na birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) o local civil registrar, gayundin ang affidavit tungkol sa conflict of interest na kailangang ilakip sa COC.
Ipinaliwanag ni Tabangin-Capuyan na layunin ng mga karagdagang requirement na maiwasan ang mga posibleng problema sa hinaharap.











