--Ads--

BAGUIO CITY – BAGUIO CITY – Nasamsam ng mga awtoridad ang 20 kilo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱136 milyon sa South China Sea Green Valley Subdivision, Barangay Dontogan, Baguio City, pasado alas-11:00 ng umaga ngayong araw.

Isinagawa ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang isang pinagsamang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na suspek.

Isa sa mga naaresto ay isang Police Executive Master Sergeant, 45-years old, na miyembro ng Baguio City Police Office at residente rin ng naturang lugar.

Kabilang din sa mga nahuli ang isang babaeng sales master, 49-years old mula Dontogan, Baguio City; isang tattoo artist, 38-years old mula Valenzuela City, at isang mekaniko, 37-years old mula San Juan, Agoo, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Derrick Arnold C. Carreon, Regional Director ng PDEA-Cordillera, sinabi niyang ang mga suspek ay high-value drug personalities at matagal na nilang minamanmanan.

Samantala, inihayag naman ni PBGen. David Peredo Jr., Regional Director ng PROCOR, ang kanyang kalungkutan dahil isa sa mga suspek ay kasamahan nilang pulis.

Gayunpaman, masaya siya na naaresto ang mga sangkot sa ilegal na droga.

Sa ngayon, haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.//Cara Sacyaten